tsokolateng malapot

gusto ko ng tsokolate. gusto ko ang kanyang lapot. gusto ko ang pinaghalong tamis at pait. nais kong maligo sa ilog ng tsokolate. magsulat gamit ang tintang tsokolate. pitasin ang mga bulaklak na tsokolate. nakababaliw ang tsokolate. nakakapagpagaan ng pakiramdam. nakapagpapasaya. gusto kong mapalibutan ng tsokolate. magsuot ng tsokolate. kumain ng tsokolate. maging tsokolate. paano kaya kung pati libag ko'y tsokolate na rin?

30 avril, 2005

Balikbayan box

Di ko na kilala ang amoy ng kuya ko. amoy balik-bayan box. napangiti ako kanina nang yakapin niya ko at daganan. nakabalik na nga si kuya. hindi ako nananaginip. Bumalik ako sa san pedro ng thurs. dali-dali. malilimutan ko pa ngang magbayad ng tricycle kung di ako kinalabit ng driver. para akong batang sabik na sabik sa ice cream. uuwi na si kuya. pagkatapos ng tatlong taon. lahat kami masaya. nagmamadali. nakasabit na ang banner na gawa ni inday. gawa sa pulang sinulid na itinahi sa papel. alas ocho noon.

alas diyes.
nakalapag na ang eroplano ni kuya. handa na ang ngiti ko. pati ang yakap at halik. sinimot ko na ang kalat-kalat ng cheese powder sa pisngi ko. dapat malinis at mabango. darating kase si kuya.
hindi kami pinasama ni daddy sa pagsalubong. dun na lang daw kami ni inday sa loob ng van. sila mami na lang daw at ate. pero wala pang bente minutos nakita ko na ang mga maleta,tinutulak ni daddy. at ang higanteng mamang yakap ni mami. Si kuya!
Halo-halo ang naramdaman ko. saya dahil nakauwi na siya, lungkot dahil uuwi rin siya, at takot dahil baka mapaihi ako sa saluawal. kanina ko pa kase pinipigil sa daan e.
wala akong pakialam. basta nandito na si kuya. at ngayon, katabi namin siyang matulog. naamoy ko ang balikbayan box sa kanya. naalala ko nung maliliit pa kami, gustung-gusto naming nagkukulong sa kahon dahil sinisinghot namin yung amoy. isa sa pinakamabango. amoy ibang bansa.
ngayon, kapag makakaamoy ako ng balikbayan box, hindi na ibang bansa ang iisipin ko.
Si kuya na.