tsokolateng malapot

gusto ko ng tsokolate. gusto ko ang kanyang lapot. gusto ko ang pinaghalong tamis at pait. nais kong maligo sa ilog ng tsokolate. magsulat gamit ang tintang tsokolate. pitasin ang mga bulaklak na tsokolate. nakababaliw ang tsokolate. nakakapagpagaan ng pakiramdam. nakapagpapasaya. gusto kong mapalibutan ng tsokolate. magsuot ng tsokolate. kumain ng tsokolate. maging tsokolate. paano kaya kung pati libag ko'y tsokolate na rin?

26 avril, 2005

papel at dahon

Ikaw na mambabasa sa papel man o dahon, unti-unti mong inuubos ang aking tinta.
sa bawat salitang binabasa mo, bumibitaw ang kapiraso ng aking utak.
rinig ko ang pagkapunit ng hymen sa tuwing pinarorolyo mo ang mga titik sa iyong dila.

Pakiramdam ko, wala kang pakialam kung matuyo ang utak o maglaho ang pagiging birhen ko. ang mahalaga, mapunan mo ang iyong libog sa kaalaman.

Ano pa nga bang magagawa ko? Hawak mo na ako sa magkabilang dulo ng katawan.

Hiling ko lang sa'yo mahal na mambabasa, huwag kang luluha sakaling hindi mo na makita ang sulat-kamay ko. Dahil sa oras na iyon, ako naman ang nagbabasa.