tsokolateng malapot

gusto ko ng tsokolate. gusto ko ang kanyang lapot. gusto ko ang pinaghalong tamis at pait. nais kong maligo sa ilog ng tsokolate. magsulat gamit ang tintang tsokolate. pitasin ang mga bulaklak na tsokolate. nakababaliw ang tsokolate. nakakapagpagaan ng pakiramdam. nakapagpapasaya. gusto kong mapalibutan ng tsokolate. magsuot ng tsokolate. kumain ng tsokolate. maging tsokolate. paano kaya kung pati libag ko'y tsokolate na rin?

31 mars, 2005

kumawala

Putulin mo ang mga pakpak ko
saka mo ako palayaing makalipad
ikandado mo ang mga paa ko
at saka mo ako patakbuhin.
tadtarin mo ang mga galamay ko
saka mo ako hayaang lumangoy.

masikip ang mundong nakikita
ng bulag kong mga mata
mabibilang ang mga huni ng ibong
naabot ng aking tenga.
nakagapos ang puros paso kong mga kamay
paano ko mahahawakan ang daigdig?
binura mo na ang aking bibig
paano ko mahahagkan ang mga salita?

tanging ilong na lang ang itinira mo
ilong na laging gising sa iyong lansa
ilong na nakatitikim ng alingasaw ng
iyong kaluluwa
ilong na pinagpipilitang maging mata at tenga.

Kunin mo na rin ang aking ilong
ipakain mo sa aso kung gusto mo
wala na akong pakialam
ayaw ko nang maglakbay.
hihintayin ko na lang gumabi.