tsokolateng malapot

gusto ko ng tsokolate. gusto ko ang kanyang lapot. gusto ko ang pinaghalong tamis at pait. nais kong maligo sa ilog ng tsokolate. magsulat gamit ang tintang tsokolate. pitasin ang mga bulaklak na tsokolate. nakababaliw ang tsokolate. nakakapagpagaan ng pakiramdam. nakapagpapasaya. gusto kong mapalibutan ng tsokolate. magsuot ng tsokolate. kumain ng tsokolate. maging tsokolate. paano kaya kung pati libag ko'y tsokolate na rin?

28 août, 2005

bus ride

"Are we late?"
God, i love that.

ala-una na

hindi ako makatulog

sa mga tumakbong hindi dapat

huminto.
mag-isip.
tumanga-tanga...
gaya ng matagal niyo ng
nakasanayan.

"maglingkod".
magsalita
ng mga bagay na isang linggo
lang naman narinig
at magpanggap na
pilosopong,taon ang inilaan
sa pag-aaral ng mga konsepto
ng karapatan.

makiisa
sa harapan ng madla
ngunit
pagtalikod, ugaliing manlamang
gaya ng iyo ng nakasanayan.

huminto.
lumingon.
makinig.

sa sarili niyong paghinga
na unti-unting nilalamon ng
pansariling interes.

paano niyo maipagtatanggol
kaming mga pinangakuan niyo
kung sa sampung binitawan niyong salita,
labing-isa ang di tumatama?

puro kayo yabang!

27 août, 2005

Alam ko na kumbakit

hindi ko na maintindihan ang los baños
masyado na kase akong nakakulong
sa imahen niyang sakdal ganda

siguro kung tatalukpin
ang mga pilik-mata
at ibubuka pang lalo ang
butas ng ilong, at
sisisirin ang mga tutuling nakabara,
bubulaga sa akin
ang kabulukang isinusuksok
pang lalo sa libaging kuyukot
at pares ng buhuking utong

maamoy ko ang basurang hininga
at anghit na sumasabog,
nanunuot-dikit maging sa balat
na di makukuha ng puspusang paghilod

madidinig ko ang tahasang pag-mumura
na inilalabas sa porma ng halakhak
at awit na sing sintunado ng piyesang ito!

madarama ko ang maaligasgas na buhok
sa tumutubo sa palibot ng bayag
maging ang malagkit na taghiyawat na
nagnanana't bumubulwak

maiisip kong habang sinusulat ko
ito ngayong gabi,
patuloy siyang nahihimbing
nanaginip, walang pakialam
na dinuraan niya ako,
ang oras ko,
at patuloy niyang minumudmod
ang mukha ko sa imburnal
na pinamumugaran ng daga, tae, at ipis

20 août, 2005

I Like For You to be Still

Pablo Neruda


I like for you to be still: it is as though you were absent,
and you hear me from far away and my voice does not touch you.
It seems as though your eyes had flown away
and it seems that a kiss had sealed your mouth.

As all things are filled with my soul
you emerge from the things, filled with my soul.
You are like my soul, a butterfly of dream,
and you are like the word Melancholy.

I like for you to be still, and you seem far away.
It sounds as though you were lamenting, a butterfly cooing like a dove.
And you hear me from far away, and my voice does not reach you:
Let me come to be still in your silence.

And let me talk to you with your silence
that is bright as a lamp, simple as a ring.
You are like the night, with its stillness and constellations.
Your silence is that of a star, as remote and candid.

I like for you to be still: it is as though you were absent,
distant and full of sorrow as though you had died.
One word then, one smile, is enough.
And I am happy, happy that it's not true.

01 août, 2005

unang ulan ng agosto...

parang natuyong dahon ang dibdib ko nang sabihin mong gisingin kita ng alas-tres. hawak mo ako sa iyong palad. napakadali kong wasakin. araw -araw, hinihintay kong madiligan. umaasang babahaginan ako ng palad mong lupa ng kahit konting tubig. mabuhay kaya akong muli?

***

mas nakikita ko ang kulubot na kamay ni ina sa twing tayo'y magniniig. mas malakas ang kalampag ng plato at kalansingan ng mga kutsara kaysa sa mga "sige" mo at "ahh".mas makapit ang singaw ng pawis niyang may kalakip na luha kaysa sa pawis mong umaapaw sa tuwa. mas ramdam ko ang gaspang ng kanyang buhok, na dating tuwid at kay lambot. kada linggo, mas lalong natutulad sa kinuyumos na balat ng candy ang kanyang mukhang nilalamon lalo ng katandaan. para bang sa bawat butil ng pawis at laway na nalalabas ko sa ating paghahalikan, triple ang nasisipsip mula sa kanya.(kasama pa yata ang laman.) napupuyat ako sa kiskisan ng laman.napupuyat naman siya sa pag-aalala sa akin.

***

nakikita ko kung paanong gumigising siya ng umaga para ipagluto ako.madalas hotdog o longganisa. may kasama pang itlog at kamatis. kahit na nangingitim na ang paligid ng mata sa pagod at puyat, at nangangatal ang mga tuhod sa paghapong pagtayo , namimili pa iyon ng paborito ko. noong isang araw lang may sapin-sapin na nakahain. may pasalubong naman akong abokado. minsan naiisip ko kung sapat na ba ang tsinelas na uwi ko o tinapay na pasalubong para di na siya muling mapagod. gusto kong higupin lahat ng guhit niya sa noo at ugat sa mga kamay, parang noodles at pakawalan ang mga gagambang ugat sa kanyang binti. gusto kong hagudin ng mga kamay ko ang bawat ngalay at kutkutin ang mga burol ng balakubak sa kanyang ulo.
gusto kong makagaan. gusto kong kapag nakita niya ako,gagaan na parang paminta ang kanyang katawan at babalik sa pagkabulak ang kanyang mukha.

kahit isang oras lang.