tsokolateng malapot

gusto ko ng tsokolate. gusto ko ang kanyang lapot. gusto ko ang pinaghalong tamis at pait. nais kong maligo sa ilog ng tsokolate. magsulat gamit ang tintang tsokolate. pitasin ang mga bulaklak na tsokolate. nakababaliw ang tsokolate. nakakapagpagaan ng pakiramdam. nakapagpapasaya. gusto kong mapalibutan ng tsokolate. magsuot ng tsokolate. kumain ng tsokolate. maging tsokolate. paano kaya kung pati libag ko'y tsokolate na rin?

27 septembre, 2005

sa huwebes

ooperahan ang ate ko.

tatanggalin na ang balang kasa-kasama niya ng siyam na taon. nakakapanghina na mawawala ako sa tabi niya. ako na kasama sa bawat karayom na itutusok sa kanyang darili, sa likod ng palad, maging sa unahan ng siko.ngayon pa ako mawawala.
sa huwebes sasalinan na naman siya ng dugo. panibagong tao na naman ang makikisalo sa kanyang mga ugat. panibagong pitsel ng dugo.
sampung taon siya ng unang perahan. sa labinda;awang balang tinanggal sa kanya, milagrong nabuhay ang ate ko. sa huwebes tatanggalin na ang pinakamatatag sa kanila: ang pinakamalalim,at pinakadelikado.
ngayon ako nagsisisi na dito ako nag-aral.natatakot ako na pag-uwi ko, makikita kong nag-iiyakan sa bahay. gusto ko ng umuwi at yakapin siya ng mahigpit. ngayong mga oras na ito,naaawa ako sa mga walang diyos. paano nila nakakayanan ang ganitong mga oras na walang matiutiungala? walang masisisi? walang hihingan ng tulong?
Ngayon, sa kalagitnaan ng mga lalakeng amoy sigarilyo dito sa computer shop, pasimple akong nagdadasal. sana may sumabay sa akin.

Panginoon, iligtas niyo po ang ate ko.

24 septembre, 2005

sabado

namaalam na ang mahaba kong buhok
nakita kong umiyak si ate dahil sa turok
natikman ko na ang "bistek pinoy" sa jb
tumawag si irvin
nilagang baka ang ulam
nakagawa ako ng bagong regalo
naiyak ako sa buhok ko
nag-aksaya ako ng oras
hindi ka man lang nagparamdam

19 septembre, 2005

layuan mo ako kung

ayaw mong lagyan ko ng asin ang mga mata mo
hindi ako mabait gaya ng inaasahan, pasensya
lumayo ka na habang maaga.
galit ako sa mga sunud nang sunod.
itigil na ang pagbati sa aking tuwing umaga
o ang pagpapadala ng ngiti sa gabi,
binabangungot ako.
sinisira mo lang ang araw at buwan.
patawad, masama talaga ako.

habang dumadampi ang kamay ng katabi ko sa aking binti

nababasa ko ang
pandididri sa mga mata mo
itigil mo na ang pag ngiti

narito ako
pilit mong hinuhubdan
pinupunit ang ano mang tapis
na pananggalang sa
mga mata mong
asong-ulol na nanghuhusga

anong sagot ang
ayaw mong marinig
hayaan mong isuka
ng pagod kong bibig

kailan mo mawawaring
hindi ko kayang ibilad ang
katotohanang wawasak sa
aking paghinga

sa ngayon
ipagpatuloy mo lang ang
pagpayo at paninira sa
relasyong kasing itim ng
ulap sa tag-ulan

nais kong marinig
at maamoy ang
lahat ng alam mo
nang masagot ko
kung tama ba
ang mundong ito o mali

17 septembre, 2005

seventeen

nakakita ako ng

ga-kamaong kuting
putol na paa ng manok
pulubi sa hagdan
mamang manyak
tambol na lata
tambol na kahoy
kulot na buhok
puting balat
berdeng dyip
nakakalbong damo
unang libro
pangalawang anak
unang asawa
walang kabiyak
unang lagda
huling lapis
apat na cheese stick
said na pinggan
pamilyang kulang
nag-aaway na nag-iibigan
ngalay na paa
lupaypay na puso
tikom na bibig
lumilingong mata
naghihintay na maipakilala

kahapon
sa putikan
habang umuulan

labisblaynd

Lalanguyin ko ang lawa
ng laway sa iyong bibig
hanggang maglipana ang
mga lumutulang na kalansay
sa libingan ng iyong ngalangala

lulunukin ko ang lumot sa
loob ng iyong ilong na
paulit-ulit na lumalambitin
kahit latiguhin ng aking daliri

hahaplusin ko ang
kalamay mong dila na
lumayag sa ilang libong
leeg ng dalaga

lalambitin ako sa mga
linya ng iyong kilikili
lalasapin ang libag na
parang palay sa tubig-ulan

liliparin ko ang landas ng
iyong pangalan
hahabulin ko't ikukubli
ang iyong pagmamahal

11 septembre, 2005

walaakongmaisipnatitleperooklang

May mga bagay na hindi mo akalaing pwede mo pa rin palang balikan. gaya ng pag pasok sa armory ng CAT, o pag-uunahan sa CR tuwing lunch,pag gigitara sa harapan ng pinto kahit may klase, o ang pakikipagkwentuhan at asaran sa mga taong kasama mo na mula ala-sais ng umaga hanggang alas-singko ng hapon.
Masarap pa rin pa palang balikan ang highschool. Akala ko nalimutan ko na dahil sa nakakalunod na mga papel, exams, night life(?), at kung anu-ano pang aktibidades ngayong college.
Kinuha namin ang Form 138 ni Inday kanina. Iba na ang itsura ng building namin sa pagpasok pa lang. mas malaki pero mas sumikip at dumilim. sinarhan na ang chapel na paborito kong puntahan bago umuwi (dahil masarap tumambay dun) at wala na rin ang helera ng mga dahong hindi ko pa rin alam ang tawag hanggang ngayon.
Nakita ko ang "twin" ko,(tumaba na!), mga dating kaklase at kaibigan, maging dating mga gurong kinaasaran at minahal. nakita ko si Ranas. para akong masusuka sa kaba.bahala na kayo kung anong gusto niyong interpretasyon doon. basta ang alam ko, dapat maganda ako nung mga oras na iyon. hindi dahil sa gusto kong matalbugan ang bagong girl friend niya, kundi dahil gusto kong makita niya na maayos ako kahit naghiwalay na kami. Habang nagmimisa sa gym, inabutan ako ni Mommy ng lipstick. Para daw hindi ako masyadong maputla. Kailan pa ko namutla!? Sabi ko hindi ko na kailangan yun.Si ate naman, panay ang tukso sa akin kung nasasaktan daw ba ako dahil kasama ni Ranas ang girlfriend niya. Sabi ko, hindi. Hindi naman talaga ako nasasaktan doon. mabuti na rin namang may sumasagot sa mga pangangailangan niya. aminado akong hindi ko iyon maiibibigay. hindi ko kayang ibigay lahat ng hinihingi niya sa akin.Pero gusto ko lang na maayos na kami. Hindi sa umaasa akong maging kami ulit,ayaw ko ng bumalik doon, kundi gusto kong hindi na siya magsasabi ng kung anu-anong kasinungalingan at pambabastos tungkol sa akin. Masyado na kasing matagal para magsalita pa siya ng kung anu-ano.
Ilang beses ko silang nakasalubong ng girlfriend niya. kinukurot pa nga siya nito, halatang nagseselos. nakakatuwa. bukas babalik na akong ufielvi, babalik na naman sa trabaho, at minamahal na tula.mababaon na namn sa limot ang Mater Ecclesiae,kasama ng mga tao, hayop, classroom, banyo at alaala nito.

sa dyip na ako magmumuni-muni!

09 septembre, 2005

naaiyak ako

nabura ko ang unang tula ni ate na inaasahan niyang maisasama ko sa mga tula ko dito sa espasyo ko sa tsokolatengmalapot. hanggang ngayon, hindi pa rin nya ako pinapansin, nagpapakalunod kay Donald Duck at mickey mouse na hindi ko nagustuhan kahit kailan.
naiinis ako.
kahit na nakakataba ng puso ang sinulat ni aps sa yahoo groups at nakakagulat ang mga taong biglang nagka-interes sa akin (na dalawang araw ng nagmimiscol), hindi pa rin mabura ang panghihinayang at kahihiyan dahil sa sobrang katangahan ko. bakit ba kasi hindi ko na i-save ang tula niya! unang tula, na parang unang halik, unang pagkain ng Dan Erics, unang kandilang nahipan noong kaawaran. kahit anong pilit ko hindi ko matandaan ang tula niya.at hindi nakakatulong ang soundtack ng "Titanic" sa akin, na kasalukuyang nasa paglubog na ng barko.

isa akong lumulubog na barko ngayon.