tsokolateng malapot

gusto ko ng tsokolate. gusto ko ang kanyang lapot. gusto ko ang pinaghalong tamis at pait. nais kong maligo sa ilog ng tsokolate. magsulat gamit ang tintang tsokolate. pitasin ang mga bulaklak na tsokolate. nakababaliw ang tsokolate. nakakapagpagaan ng pakiramdam. nakapagpapasaya. gusto kong mapalibutan ng tsokolate. magsuot ng tsokolate. kumain ng tsokolate. maging tsokolate. paano kaya kung pati libag ko'y tsokolate na rin?

31 mars, 2005

sulat

"Dear Pinky, malapit na akong umuwi. kasama ko
ngayon sa tour
bus si Martin nievera. papunta kaming manchester para mag-
concert. namimiss
ko na kayo nila mama. marami akong pasalubong pag-uwi."
alam mong kasinungalingan na naman
itong lahat pero
bakit patuloy ka pa rin sa paniniwala?
bakit masigasig mo pa ring
hinihintay ang kartero sa umaga?
nilalagyan mo pa ng bulaklak
ang mga sulat mong ipinapadala
bakit?
dahil ba sa alam mong pinagtatakpan niya
ang tunay niyang kalagayan sa Inglatera?
o dahil sa alam mong mapupunan ng
mga sagot mong kasinungalingan rin
ang mga puso niyong pasa-pasa?
maaring totoo ngayon ang
sinasabi niya
maari ring hindi naman
maaring panapat lang niya
ang mga iyan sa lamig ng
klima at pangungulila
ngunit gaya ng dati,
pumitas ka ng rosal at
inumpisahan ang pagsulat:
"Dear kuya, hanga talaga ako sa iyo. galingan mo sa pagkanta.
magiingat
ka diyan at sana makauwi ka na sa bertday ko. mahal
kita."
Lumabas ka at
hinintay muli ang kartero.
hindi mo na napigilang umiyak.

kumawala

Putulin mo ang mga pakpak ko
saka mo ako palayaing makalipad
ikandado mo ang mga paa ko
at saka mo ako patakbuhin.
tadtarin mo ang mga galamay ko
saka mo ako hayaang lumangoy.

masikip ang mundong nakikita
ng bulag kong mga mata
mabibilang ang mga huni ng ibong
naabot ng aking tenga.
nakagapos ang puros paso kong mga kamay
paano ko mahahawakan ang daigdig?
binura mo na ang aking bibig
paano ko mahahagkan ang mga salita?

tanging ilong na lang ang itinira mo
ilong na laging gising sa iyong lansa
ilong na nakatitikim ng alingasaw ng
iyong kaluluwa
ilong na pinagpipilitang maging mata at tenga.

Kunin mo na rin ang aking ilong
ipakain mo sa aso kung gusto mo
wala na akong pakialam
ayaw ko nang maglakbay.
hihintayin ko na lang gumabi.

28 mars, 2005

Lunes na Lunes...

10 tips kung paano maging tanga:

1. bumili ng magandang cellphone.o kaya hintayin ang padala ng kuya mo.

2. patagalin ng mga ilang buwan tapos maglakad sa dirt road mag-isa.(alas-tres ang pinakamagandang oras)

3. huwag kalimutang mag-text at siguraduhing nakangiti habang pinipindot ang keypad.ang smiley, baka makalimutan!

4. abangan ang most wanted na snatcher sa UPLB.(ung naka-motor ha, iba-iba kase yun e!)habang naghihintay, obserbahan ang paghulog ng mga bulaklak sa puno sa gilid ng math building.

5. kapag nahablot na ang phone,magkunwaring na-shock at habulin ang magnanakaw imbis na ireport kagad sa pulis.

6. sumigaw ng "Ninakaw niya ang phone kooooo..."(with matching palingon-lingon). mas maganda ring nakalugay ang buhok mo, para sexy pa rin kung tumatakbo. malay mo maakit mo pa siya at pasakayin ka sa motor niya.

7. kapag alam mong malayo na siya, at di mo na kayang habulin, i-chismis mo sa kaibigan mo ang nangyari. after 10 minutes pa, saka ka magreport.

8. kalimutan mo ang lahat ng pwedeng i-report tungkol sa nangyaring nakawan. siyempre, na-shock ka noon kaya wala ka nang natandaan kundi ang helmet niyang kulay puti. (wow ebidensya!)

9. maghintay sa resulta.habang naghihintay, pumunta sa miramonte at mag-scout ng mura at magandang swimming pool. para ito sa workshop na hindi mo na pwedeng puntahan! (WALANG HIYA!!!!BWIIIISSSSSEEEEETTTTT!!!!!)

10. pag-uwi mo sa bahay, umasa kang tatanungin ng nanay at ate mo kung mabuti na ang pakiramdam mo. isipin mo na ring tutulungan ka nila at hindi iiwan sa ere kapag sasabihin mo na sa tatay mo ang nangyari.
dagdagan pa sa pag-asang may papansin at may kakampi sa iyo sa bahay pag-uwi.

at ang ultimate tip...

11. pangaraping mas mahalaga ang buhay mo kaysa cellphone!

***

galit ako. hindi nakuha ng icecream ang lungkot ko ngayong gabi. malamang hindi na naman ako makakahinga ng maluwag.gusto kong maglinis ng banyo. at least si daddy kahit pinagalitan ako,sinabi pa niyang magpasalamat ako dahil buhay pa ako. sila mama hindi! nakakapikon!naghugas-kamay!ang sakitsakit ng dibdib ko, pero hindi ako maka-iyak.buwst ang kumuha ng phone ko. buwisit siya kse pinaramdam niya to sakin ngayon. kapag ako hindi nagising bukas siya unba kong mumultohin.buwiset siyang nakahelmet ng puti, siya!

arteeartee!kakarmahin din siya!

dun po sa ,mga may number ko, salamat sa pag save. kailangan na pong burahin.salamat sa paglagay ng pangalan ko phone niyo.

nakakainis talaga! kakakuha ko pa lang ng number ni tin e. (hindi abarro)=)

salamat kay banana at Lia. mahal ko kayo=)

cge na! muwah

27 mars, 2005

para sa inaantok

hindi ko alam kung bakit iniisip ko na kagad magkaroon ng pamilya. ayaw ko nga ng mga lalake noon. gusto ko silang tinitingnan oo, pero hanggang doon lang.pakiramdam ko kase ang alam lang nila e magpasabog ng tae ng aso tuwing bagong taon, umihi sa mountain dew, at manlimahid sa dumi habang naglalaro G.I.JOe. Ni hindi nga sila naglilinis ng banyo.tapos mangyayakap pa pagpawis. kadiri!

pero kahit ganoon, bata pa lang ako,gusto ko nang magkaroon ng pitong anak. nakakatawa na sa dinamidami ng mga numero, pito pa ang naisipan ko.gusto ko ng malaking pamilya.gusto kong pagdating ng linggo pupunta kami ng park tapos maglalaro kami. gusto ko ng malaking bahay, para pwede kaming maghabulan.gusto ko na lalapit sa'kin ang anak ko para magpatirintas ng buhok, habang yung isa naman e nagpapakiss sa galos.gusto kong maging nanay. alam kong magiging mabuti akong ina simula pa lang ng pangarapin kong magkaroon ng pitong anak.

pero hindi pa rin ako sigurado sa pagiging asawa. baka maging battered wife ako.hehe ayaw ko ring magmadali. gusto ko lahat maayos na bago ko magkaanak at magasawa. ayoko ng pakiramdam ng nagsisisi. gusto ko pang matuto magmath!=) baka kapag nagpaturo ang anak ko, wala akong masagot. gusto ko rin na hindi ako masusumbatan ng asawa ko. ayaw ko ng masasabi niyang hindi na ako malinis nang humarap ako sa kanya. pakiramdam ko, iyan ang pinakamasakit na pwedeng sabihin sa isang babae.(sumunod yung mataba siya.)

masarap mag-isip ng tungkol sa hinaharap. pwede mo pa kaseng laruin. nakakawala ng pagod at minsan nakakapagpaantok.dumating na rin ako sa oras na kinatakutan ang pagpapakasal,alam ko rin kaseng may katapusan rin kahitr ang pagmamahal, pero hindi ako natakot magkaanak. ang maramdaman mong may isang taong nanggaling sa katawan mo,at nabuo dahil sa pagtanggap, pagpili at pagmamahal, sapat na iyon upang magpasalamat ka sa pagigi mong tao.

Pasko ng Pagkabuhay

ala-una
ako lang ang gising


kanina, maaga kaming ginising ni dadi. salubong kase at sasama kami sa prusisyon.makakakita na naman ako ng anghel na may mga pekeng pakpak.
mga alas tres y medya pa lang nakaligo sa siya. paano ko nalaman?bago niya kami gisingin ng alas kwatro, may kakaibang amoy na umistorbo sa panaginip ko. kasama ko pang tumatakas si Alice Dixon sa mga NPA, nang maamoy ko ang pinaghalong safeguard at mainit na tubig. nabibigyan ng dadi ko ng amoy ang mainit na tubig.nagiging amoy safeguard.(labo)
wala na rin akong naging kawala. kailangan ko na ring bumagon,(at iwan si Alice Dixon) sabihan ka ba naman ng "nakakapagpuyat nga kayo sa pagtetelepono, bakit si Jesus hindi niyo mabigyan ng kaunting oras?" tingnan ko lang kung hindi ka pa bumangon nun.
may naghihintay na mensahe sa telepono ko,galing sa mahal na nangangako ng magandang umaga.

"Kaulayaw ko ang buwan at ang unang tala sa Hardin ng mga Diwata. Tahimik,parang sinumang kakilala kapag tulog nagmumukhang banyaga."

Gusto ko sanang magtanong kung wala ba sa mga kakilala niya ang naghihilik, o nagsasalita pag tulog?o kahit naglalagitgit ng ngipin. kahit naglalaway?=) ang mga magulang ko kase naghihilik. at ako, nagsasalita kapag tulog. ang iba sa mga alam kong kakilala niya naghihilik rin.kaya hindi kami maaring ikumpara sa tahimik na kapaligiran.at dahil dun hindi niya masasabing banyaga kami. hindi ko maintindihn kung paanong nagmumukhang banyaga ang mga taong tulog. dahil ba sa maingay sila pag gising? paano yung mga maiingay matulog? sila lang ba ang mga pwedeng tawaging kakilala?

mabuti na lang wala na akong load. pero hindi rin pala kase iniisip ko ang mga bagay na to mula pagligo, pagsusuot ng bra, hanggang sa paglalagay ng sindi sa kandila ko. nakapalda ako siyempre, floral. at sabi ni Inday, kami daw ang pinaka-class na "familya" sa mga nagpruprusisyon.siyempre nga naman. nakashorts lang yung iba. tapos parang hindi pa yata nagsisimumugan yung nasa unahan ko ng pila. natutuwa talaga ako kay inday. pagmaglalakad pa siya tinitingnan kung naka-straight body na siya. ang cute parang kiyatkiyat.

ilang kalye ang iikutan namin bago dumating sa simbahan at magsalubong ang mahal na birhen at si hesus.hindi na namin nakayanan ni Inday. tumakas na kami. pumunta na kami kina mami at naghintay sa arko. gusto kong ihulog yung isa sa mga batang anghel sa arko. ang cute kase. ang taba-taba tapos naghihikab pa. gusto kong kuyumusin ang mukha at ipakain siya sa aso.naisip ko, na ilang taon na akong gumigising ng maaga tuwing salubong pero buong buhay ko hindi pa ako nakukuhang angel. bakit hindi ba ako pwede? wala na rin akong magagawa. ilang buwan na lang 19 na ako. hindi na pwede.

Nagbukas ang misa na inaantok ang lahat. (naligaw kase yung isang karo kaya matagal nakapagumpisa)naglalaro na rin ang isip ko sa gutom, puyat, at sa sermon ng pari.(Bakit daw ayaw nating amining may naguudyok sa ating demonyo?) tama bang ganoon ang isermon niya! nas gitna kami kaya hindi pwedeng magingay. may nahilo pa sa unahan ko at pinagkaguluhan siya ng marami. pati ako naki uzi na rin. tinuruan ko sila ng pressure point na mamasahihin. (naks!)nkita ko ang mukha ni Father. Badtrip siya kase nawala sa kanya nag focus ng tao. hindi ko gusto ang pari ngyon.Puro donasyon ang bukambibig. pero kahit ganoon, masaya pa rin ako kase pasko ngayon.buhay na si hesus at magpapasta si inday.
sabihin man ng iba na hindi sila naniniwalng siya ang diyos, masaya pa rin ako at may nabuhay muli ngayon.

24 mars, 2005

HuWeBeS sAnTo

gera na naman sa bahay. paano kase, pinipilit ni mamang magsimba ngayon. ayaw namang pumayag ni dadi.mabibinat lang daw siya, maghahanap lang daw ng sakit ng katawan.

nakakatawa na lang minsan kung paano nagiging bata ang mga magulang ko. gusto ko nga silang i-video minsan. gusto kong makita nila ang mga sarili nila. ang cute, parang kiyat-kityat.

minsan iniisip ko kung magiging ganoon din ba ako pagtanda ko. magaaway din ba kami ng asawa ko sa maliit na bagay gaya ng kung sino ang unang maliligo sa banyo, o kaya kung aling sawsawan ang mas masarap sa hasa-hasa: toyomansi ba o patis? pwede ring dumatng kami sa oras na sobrang ulyanin na namin pareho na nagkakapalit na kami ng pustiso.

naiisip mo bang mangyayari sa atin iyon?
naisip mo na bang tumanda kasama ko?

gusto kong alagaan ka pagsumasakit ang ulo mo. gusto kong ako ang maglalagay ng bimpo sa noo mo pag may lagnat na. gusto kong mga kamay ko ang magmamasahe sa balikat mo pag umuuwi kang pagod. gusto kong ako ang kasalo mo sa pagkain ng sardinas.

ayan bati na ulit sila mami. kumakain na sila ng ponkan ng sabay. suko na naman si itay.wawa!
magiging ganoon din kaya ang asawa ko? ano kayang itatawag ko sa kanya? hmm... hubby?

ala sige pinky, mangarap!

21 mars, 2005

idaan sa pagwriting promt

iba'ti-bang kulay ang nasa blog ko. may blue, may green,may kahel. parang tinutulak nila akong mapasama sa kanila. ano kayang mangyayari kung kagaya rin nila akong kulay. paano kung ang pagiging kulay ang pinili kong landas. paano kung kalimutan kong maging babae? ang maging tao? ano kanyang mangyayari sa akin kung magkaganoon? siguro hindi na sasakita nag puson ko tuwing abete sais ng buwan hidi na kase ako lalabasan ng dugo noon. totoo kayang maduming dugo ang regla? siguro kapag naging kulay ako mas marami akong mahahalikan. kaya lang ano muna ang pipiliin kong kulay? hindi na pwede ang azul at luntian. pangalan na yun ng mga anak ni tatay. mint green na lang para nakakasilaw. matagal ko ng gustong masabihang nakakasilaw ang legs ko. pero dahil alam kong hindi na mangyayari yun dahil sa morena ako, ngayon na lang sa pagpili ko ng landas na maging kulay. masilaw kayo sa mintgreen kong legs. (teka dapat pala neon green.)

wala akong pakialam kung madami na akong mali sa mga pinagsususulat ko. kawawa naman ang magbabasa. kaya lang sabi ni sir dennis, "editing is a way of showing respect to your readers." kaya sige na nga i-eedit ko ito. pero paano kung ang piliin kong landas ay ang pambabastos sa mga mambabasa? paano kung hindi ko kayo respetuhin? wawa naman. ummumm! hindi mabait ako ngayon. parang nahawaan na ako ng kabaitan nila tita dito sa compushop. paano kaya kung holdapin ko tong shop na to? paano kung iyon ang piliin kong landas. paano kung dito ko sa lahat ng kasamaan ito nakita at naramdaman ang puso?

sir aguinaldo, maraming tanong ang nailabas sa akin ng writing prompt niyo. paano kung iwasan ko ang landas na may puso? paano kung iwan ko ang saya ng pag-ibig? paano kung wag na akong magmahal at maging makina na lang ulit. edi sana napasa ko ang papaer ko sa sosc2,at hindi namamaga ang mga bintana k sa pagiyak. at hindi ako parating lasing sa paghahanap sa mukha ng araw. minsan naiisip ko kung talaga bang kailangan ng tao ang pagmamahal. pwede bang pagtanggap na lang pero walang pagmamahal?

nilalamok na ako.
lilipat ako ng landas.
nasa puso ko ngayon ang pagpatay sa lamok sa binti ko.

paulit-ulit

kada sem nalang sinasabi ko sa sarili ko na hindi na ako magpapasa ng basurang papel. kada sem nalang kinakain ko ang kung ano mang sinabi ko noong nakaraang sem.

ayaw ko na ng ganitiong pakiramdam. gusto ko lang magpakalunod sa kama ko at hindi na bumangon. gusto kong maglasing. meron bang alak na makakapagpalimot ng panghabambuhay? bigyan mo ako noon pakiusap. gusto kong magdroga. meron bang drogang makakawala ng galit? pero pagkatapos mong maging "high", magbabalik ka sa dating mong baliw na sarili at sa pagpapanggap na wala kang ano mang pagsisi? gusto ko ng droga pero hindi nakakaaddict. droga na lasang dewberi (meron ba noon?) bigyan mo ko please.

ngayon lang ako hindi nakapasa ng papel sa buong buhay ko. sa sosc2 pa. gusto ko pa naman ang subject na yun. ang sakit sakit ng alam mong may magagawa ka ka pang mas maganda sa ginawa mo. ayan pati tuloy pagsulat ko dito apektado.

sana mahawaan ako ng buhay sa kulay ng t-shirt ko ngayon. Sana maging skyblue rin ako. gusto kong abutin ang langit, pero wala akong pagbibigyan kundi sarili ko lang. aabutin ko ang langit para doon na ako magtatago pag malungkot ako. hindi sa COOP, o dito sa Jodsh. isasama ko ang computer ko tapos magsususlat ako sa blog. =) tapos minsan papasyalan ko si Mortimer sa Sims. sasamahan sa kaniyang pagiging mad scientist habang pinipilit na magkiss sila Betty at Ella.

nakakatawang iniisip ko ang mga bagay na ito sa oras na malungkot ako. nakakatawa palang tumawa mag-isa.Nakakatawang pinipilit kong tumawa. nakakatawang iniisip kong tatanggapin pa rin ng teacher ko itong paper kong late ng isang araw. ang sakit sakit.

haay, magandang araw bebang!

20 mars, 2005

panaghoy ni dalagang bebang

gusto ko nang maging bata ulit. minsan pakiramdam ko wala na akong patutunguhan. para akong tubig sa baso. kukunin ang korte ng pinagmomoldehan niya. bata pa rin kaya ako? gusto kong bumalik sa oras na wala akong pinuproblema. walang pagseselos na kumukuyumos sa mga bituka. walang mga graba na nakapupuwing sa puso. gusto ko ulit maging bata.
may mga bagay na minsan dapat na hindi mo na lang alam. para hindi ka nalang malulungkot. bakit ba sa tuwing malulungkot ako ito na lang ang laging sinasabi ko? hindi ko na maintindihan ang matandang bebang sa loob ko. masyado siyang mabilis gumalaw at napakaselosa.makitid ang utak, pabagubago ng isp. minsan sinasabihin ko siyang huwag maging emosyonal. pero matigas ang ulo, ayaw sumunod. gusto kong makawala sa kanya at makalimot na lang sa lahat ng nagyari mula oktubre hanggang marso 20.
sa mga oras na'to naiisip ko si ranas. naiisip ko kung paano niya binubusog ang batang bebang sa akin. ang batang bebang na ang hilig ay magjogging pants na butas ang laylayan, ang laging walng panyo pagumiiyak, kaya umaabot sa pisngi ang uhok. muntik nang makilala ng batang bebang si Og. Pinapaliguan siya ni ranas ng stork hanggang maging adik itong kagaya niya.
madalas,naiisip ko si ranas sa tuwing tinatanong ako ni jana kung naiisip ko siya at itinatanggi ko. naiisip ko kung paano araw-araw niya akong pinapatawa. naiisip ko kung bakit hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwalng hindi ko na siya makikita. ramdam ko ang kanyang galit. galit siya sa batang bebang.
nakikita ko na ngayon kung gaano ko nga siya nasugatan kahit na siya ang naging tungkod ko.ayaw ko na siyang sisihin. hindi ko rin naman sinisisi ang sarili ko. tapos na ang lahat sa amin. ang apat na taong pizza, nintendo, paglalaba ng sabay, pagligo sa ulan, pagsimba sa st.therese, pagliwaliw sa campus, pagdadayaan sa monopoly, mga takas na halik sa noo at labi,tapos na ang daan-daang load sa dalawang linggo, at pagjojogging sa bundok, at pagbabadminton tuwing sabado, ang asaran at panlalait,ang mga chismis at pag-aaway,at ang mga "mahal kita" na inakala kong sa'kin lang.

umiiyak ang batang bebang. nais niyang maramdamang maligo ulit ng stork. ngunit hindi kay ranas. alam na niyang hindi ito makabubuti sa kanya. ayaw ng batang bebang na magpumilit tumanda agad. ayaw niyang isiksik ang maliit niyang mundo sa higandeng maari siyang lamunin. ayaw niyang hanginin ang kanyang munting apoy na naguumpisa pa lang magliyab. nais ng batang bebang na mapakinggan sa kanyang pananalita, nais niyang mahalin ng walang libog,gusto niya ng yakap at pagtanggap. gusto niya ng tula luha. guto niyang makita ang araw na nakangiti at hindi makasarili. nais niyang titigan siya ng araw. pagod na siyang tumitig.

palaspas

Hesus,

hindi ko maintindihan kung bakit mo pa naisipang bumalik sa israel o jerusalem.(nalimutan ko na kung saan.) alam kong gaya ni Lucifer, may gagampanang malaking parte ang pagsalubong sa'yo ng mga taong ito.wala akong magagwa kung iyan ang trip mo.pero may gusto akong ichismis. may magandang nangyari sa akin ngayon.
dalawang ama ang binalikan ko sa araw ng mga palaspas. (ayos lang bang ayun ang tawag ko? pwede ko namng sabihing araw mg pagbabalik mo sa jerusalem o israel, patawas sa paglimot, pero mas magandang pakinggan ang araw ng palaspas.) una si daddy sunod si tatay. kapwa inakala kong mawawala na silang tuluyan sa akin. Masaya akong niyakap na nila akong muli. naramdaman ko ang init kanilang mga palad. ayaw ng pakawalan ng mga labi ko. nais ko lang silang hagkan hanggang lumamig na ang aking mga labi at dumating ang oras na kailangan ko ulit itong ipalamon sa nagbabagang apoy.
kanina habang binibenditahan ang mga palaspas at umiikot ang mga tao habang iwinawagayway nila ang mga hawak nilang dahon ng saging(?),(akala siguro nila'y mabubuhay ka nilang muli kung sakaling gawin nila ang ganoon) niyakap ako ni daddy. pagkatapos ng ilang taong pagmano at paghalik na unti-unti nang nawawalan ng saysay sa akin, hinaplos niya ang buhok ko.hinalikan niya at sinabing: "hindi ka nagshampoo no?" hindi ko na matandaan kung anong kamay ang naisipan kong ipansuntok sa kanya. kanan ba o kaliwa? basta bigla na lang nawala ang pagkayamot ko nang inumpisahan na niyang ipulupot ang braso niya sa leeg ko. Masarap. kahit medyo nasakal ako at hindi nakahinga ng kaunti, hindi ako kumawala.gustong tumulo ng mga luha ko. ilang beses ko ba naman kaseng sinabing mababaw lang ang luha ko, gagawa pa nang ganoon. kaya nung ako na ang iikot para magpabendita, mimiha-mimiha kong iwinagayway ang palaspas kong gawa sa dahon ng saging(?). inubo pa kong lalo dahil sa insenso. nakakatawa. sabi ni inday: "Ate bakit ka nag-e-emote?". siya naman ang sinakal ko. tatlo lang kaming nagsimba pero pakiramdam ko kumpleto na kami.

Naghihintay ang text ni tatay sa pag-uwi ko.matagal kaming hindi nag-usap at nagkulitan.dahilan? PAG-IINGAT. (ayan ang dapat mong ginawa. dapat nagingat ka kay hudas, o kay pedro. dapat nagingat kang huwag masaktan. kung sabagay sino ba naman ako para magsabi niyan? ako nga itong hindi nagiging masaya kung hindi muna dumdaan sa sakit.)
nandoon din ang kay mortimer na nagungulit at sinasabing nais niya akong makasama sa mahalumigmig na umaga. akala ko noong una, mahal at malamig ang pinagsama niya doon, hindi pala.haha (Antok!)feelingera na naman ako.
hindi ko maintindihan kung bakit sinabi ni tatay na ang sagot sa pananahimik ay paglimot. paano niya ako malilimutan? kahit ako sa sarili ko hindi ko kayang kalimutan ang ubod ng artee-arteeng pagala-gala sa faculty room na parang mas may kapangyarihan pa siya kay cbc2; ang taga-dala ng kung anu-anong sandwich: mapa-tuna o ham; ang taga pakialam ng gamit nang may gamit, ang libro nang may libro. sinong makakalimot sa napakagandang picture ko na mukhang bagong sex?
mali tatay. hindi paglimot ang sagot sa pananahimik. yakap at halik sa noo. isama mo na ang pagakyat sa bundok at magdamagang paglalakad habang tumatanaw ang tatsulok sa mga bituin. hindi paglimot ang sagot sa pananahimik.icecream at robust body!
niyakap ako ni tatay sa bawat binitiwan niyang mga titik. niyakap niya ako sa tuwng sinsabi niyang maguusap kami, na mahal niya ako. niyayakap ako ni itay nang buong higpit. ayaw ko nang kumawala.

dalawang ama ang binalikan ko ngayong araw ng mga palaspas, Hesus. pantatlo ikaw. sa pagsulat kong ito, wala akong iniisip kundi ang magbagong buhay.nais ko ring maging kagaya ng mga palaspas, mga palaspas na gawa sa dahon ng saging(?)- sinusunog at ginagawang pananda ang abo.

Mrs. Ph[i]nk0

19 mars, 2005

Salamat sa Mernel's chococake

Biyernes
ala-una ng hapon
huling araw ng hell week

palakad-lakad ako at nagugutom. mali pala na hindi ako nag-almusal. wala na akong ganang mag-agahan. paano ba naman kase ngarag na ko sa buong linggong ito. ikaw ba naman ang isang linggong gumawa ng mga papel at mag exam pa ng tatlo, tingnan ko lang kung di ka pa mangarag. 3 araw kong pinagkaitan ang sarili kong matulog.sayang kase ang oras. ngayon na lang ako babawi. hindi rin ako nagkakain ng masasarap. bakit pa? parusa 'to sa sarili ko dahil lagi na lang nagca-cram. masarap rin kaseng mangarag. masarap ilagay ang oras sa kahon.
tiningnan ko ang aking bulsa. P120. pwede pang bumili ng cake. pumunta akong Mernel's. nakita ko ang mga kulay ubeng cake. pati ang mocha cake na lasang kape. nakakaaliw. pero hindi yun ang gusto ng aking dila.bumili ako ng chococake, ang pinakamaliit. ayaw ko ng malalaki, nakakaumay kase yun. gusto ko ang pakiramdam na hahanaphanapin ko ang lasa ng cake kapag ubos na siya. mas maganda na ang maliit. mas magandang unti-untiin ang pagkain at pagnguya ng tinapay. mas masarap ang dahan- dahan at nakapikit na pagsipsip at paglasap ng matamis na icing

isinama ko ang ang chokocake sa aking pagliliwaliw.

Gabi na kami umuwi.

Nang tumalikod ka

030405
habang natutulog si neneng

Nang tumalikod ka
narinig ko ang mga bulong
nadama ko ang talim ng kanilang tingin
nanuot sa aking batok, nagsumiksik sa'king mga buto.
saksi si Oble sa mga luhang nasayang.
hinawakan niya ng aking balikat
pumanhik daw ako sa piling niya
magtago raw kami sa kumot ng mg bituin.
umiling ako at sinabing nahihiya akong maghubad.
binaba niya ang dahon mula sa kanyang bayag
at tumalikod sa akin.
mas hubad pa raw ako kaysa sa kanya. siya daw ang dapat na mahiya.

Nang tumalikod ka
narinig ko ang mga bulong.
umaawit ng oyaying bumabaril sa puso ko.
dugo na ang pumatak sa aking mga mata.
sinalo ni Mariang Banga. sayang daw. natawa ako.
nilabas ang ngiping may isang nawawala.
hinila niya ako papunta sa kanyang kulungan
magmumukha kong sisiw sabi ko.
siya naman ang natawa. ibinuhos sa aking ulo ang mga dugo sa kanyang banga.

Nang tumalikod ka,
lalo kong narinig ang mga bulong
tumakbo ako pabalik kay Oble.
tumitilamsik ang dugo mula sa aking buhok
Hindi ko na alam kung luha o dugo ang iniiiyak ko.
kinuha ni Oble ang tinanggal niyang dahon mula sa kanyang bayag.
pinagpagan at iniabot sa akin.
"pahirin mo ang iyong luha". sabi niya

Naramdaman ko ang pamamaalam ng mga botones sa aking blusa at palda. ang paglipad ng aking buhok, pagtakas ng mga paa ko sa medyas.
sumama ako kay Oble.
ibinuka ang aking mga palad.
inialay ang mga balikat sa langit. inihandog ang katawan sa mga palaka't butiki.
Ngayon kayo bumulong sa harapan ko.